Kung Bakit Mali si Miriam sa Pelikulang ‘Wayt Elefants’
Kung Bakit Mali si Miriam sa Pelikulang ‘Wayt Elefants’
Feature art by Abigail Manaluz
Mas matindi ang memorya ng elepante kaysa tao… dahil sinanay ang mga batang elepante na laging nakakadena, hindi na sila sumusubok tumakas maski malaki na sila. Sa madaling sabi, kung ano ‘yong naturo sa mga bata, ‘yon ang dadalhin sa pagtanda.
— Diko Rey (Kiko Ortega)
Sa huling dalawang minuto ng maikling pelikulang Wayt Elefants, makikita nating nakaupo nang muli si Miriam (John Feir) sa mismong upuang una natin siyang nakita sa simula ng pelikula — naghihintay, hindi mapakali, at hindi mabaling ang tingin sa radyong katabi niya na nakapatong sa lamesa. Wari’y naghihintay ng anunsyo, o ‘di kaya’y isa na namang patalastas ng sikat na pampaputing produktong White Elephant na kinahuhumalingan niya.
Sa paglipas ng ilang segundong wari’y minuto sa kanya na walang nangyayari, mababaling ang tingin niya sa isang maliit na batya kung saan ibubuhos niyang muli ang "pampaputing" ammonia. Sasarhan niya ito, at itataas ang long sleeves niya para mailabas ang kanyang kutis na kukuskusin niyang parang sunog na kaldero para pumuti. Mahapding kuskos sa kaliwang braso, sa kanan, at sa leeg bago niya basagin ang Ikaapat na Pader para tingnan ang manonood, mata-sa-mata, upang ideklara: I’m only human nature!
“I’m only human nature!” sigaw ni Miriam sa huling eksena ng pelikula | Kuha mula sa Wayt Elefants
Babagsak ang pinakamainam na musical score na nailapat sa isang eksena sa balat ng lupa, at lalayo ang kamera hanggang tuluyan nang lamunin si Miriam ng dilim.
Ito ang deklarasyon ni Miriam sa masang manonood noong 2008 nang mailabas ang maikling pelikulang ito. Isang dekada at mahigit ang nakalipas, sa mismong buwan ng kababaihan, talakayin nating muli ang deklarasyon ni Miriam sa Wayt Elefants at kung gaano ka-epektibong nakapagbigay-komento ang pelikulang ito ng matinding uyam sa mga dominanteng pamantayan ng kagandahan noon, at marahil hanggang ngayon.
Kolorismo Bilang Latak ng Kolonyal na Kontrol
Sa unang eksena, isinasalaysay ni Miriam kung paano halos hindi na pinalalabas ng kanilang ina ang kanyang babaeng kapatid dahil ito raw ang “maghahango sa pamilya nila [sa kahirapan],” kaya’t siya na ang naatasang magbilad ng daing sa arawan. Tuwing piyesta, binibihisan pa raw ang kanyang kapatid nang parang pastillas at isinasakay sa bangka, tila Sto. Niño sa prusisyon. Nang tanungin kung bakit hindi na lang siya gumaya sa kapatid niya, sagot ni Miriam, “Can you cut me some snacks?” Hindi raw ito naintindihan ng kanyang pamilya, “Ingles eh.”
Si Miriam at si Amada | Kuha mula sa Wayt Elefants
Sa eksenang ito, ipinapakita ng pelikula kung paano bulag na tinatanggap ng lipunan ang makadayuhang pamantayan ng kagandahan nang walang pag-unawa kung saan ito nagmula. Sa Pilipinas, ang pagiging maputi ay hindi lamang personal na kagustuhan kundi isang social currency na nagdadala ng respeto, oportunidad, at mas mataas na estado sa lipunan. Naging posible ito dahil sa Amerikanisadong sistema ng edukasyon, na ayon kay Renato Constantino sa The Miseducation of the Filipino, ay sadyang idinisenyo upang itanim ang eurocentrismo sa mamamayan — kabilang na rito ang ideyang higit na kanais-nais at kagalang-galang ang maputing balat.
Sa pamamagitan ng edukasyon, masmidya, at industriya ng kagandahan, patuloy na napananatili ang ganitong panlipunang kaayusan kung saan mas mataas ang pagtingin sa mapuputi. Hindi na lamang personal na panlasa ang pagiging maputi kundi isang porma na ng kapangyarihan. Ang pananaw na ito ay nagdulot ng siklo ng matinding self-hate at insecurity, kung saan ang pagiging kayumanggi ay itinuturing na kailangang baguhin imbes na ipagmalaki. Sa pelikulang ito, malinaw itong inilarawan bilang isang desperasyong bunsod ng kolonyal at kapitalistang istrakturang pilit tayong pinananatiling alipin sa makadayuhang pamantayan.
Ang Paggamit ng Slapstick Heist Plot Bilang Kritika sa Kapitalismo
Nakapaikot sa iisang layunin ang mga karakter ng pelikula: nakawin kay Dra. Vicky Belo ang mahiwagang formula na forever na magpapaputi sa kanilang tatlo. Ginamit ng pelikula ang slapstick heist plot hindi lang bilang aparato ng komedya, kundi bilang panguyam na kritika sa kapitalismo at komersyalisasyon ng kagandahan.
Si Chabeli, Amada, at Miriam sa pintuan ni Dra. Belo | Kuha mula sa Wayt Elefants
Sa kontekstong ito, ang formula na kanilang hinahabol ay naging simbolismo ng pangakong iniaalok ng whitening products industry sa bansa — ang ultimate solution sa insecurities na hinubog ng kapitalismo mismo. Ang slapstick humor ay epektibong nagbigay-diin sa desperasyon ng mga karakter at naging paraan din ng pelikula upang itiwangwang ang kabalintunaan (irony) ng kapitalismo: habang ang lipunan ang nagdidikta ng paniniwalang kailangang maging maputi upang maging kanais-nais, ito rin ang lumilikha ng artipisyal na solusyon para sa problemang sila mismo ang gumawa, kaya’t nabubuhay ang masa sa paulit-ulit na siklo ng konsumerismo at inseguridad.
Bilang off-screen na karakter, si Dra. Belo ay kumakatawan naman sa elitistang sektor ng industriya ng kagandahan na direktang kumikita mula sa insecurities ng masa. Sa unang tingin, ang slapstick heist ay tila simbolo ng radikal na pag-agaw ng kapangyarihan mula sa elitistang sistema at industriya ng kagandahan; ngunit sa mas malalim na suri, malinaw ang satirikong mensahe nito: kahit matagumpay nilang manakaw ang formula, hindi nito mababago ang mas malalim na istraktura ng diskriminasyon at kolorismo sa bansa.
Eksperimentasyon Bilang Meta-Komentaryo sa Industriya ng Pelikula
Intensyunal ding ginamit ng Wayt Elefants ang low-budget aesthetic hindi bilang limitasyon kundi bilang matalas na komentaryo sa mismong industriya ng pelikula. Imbis na itago ang kakulangan sa production value, niyakap nito ang pagiging minimalista upang punahin ang elitismo sa mainstream cinema, kung saan madalas mas mahalaga ang kinang ng produksyon kaysa sa mismong laman ng kwento.
Set ng Wayt Elefants | Kuha mula sa Wayt Elefants
Bilang eksperimental na pelikula, malinaw na lumilihis ito sa kumbensyonal na teknik ng pagpepelikula. Kilalang beteranong editor si Edgardo Vinarao kaya’t sa direksyon niya ay makikita ang paggamit ng rapid cuts, paglaro sa kulay (desaturated ang mayor na eksena; nagkakulay lang nang ipakita ang saglit na saya sa pool scene at nang makalabas na), at matalas na comedic timing upang paigtingin ang satire nito. Ang ganitong istilo ay lalo pang pinalakas ng mahusay na sound design at teatrikal na dialogue delivery na epektibong nagpapatawa at pumupuna sa lipunan. Hindi lamang simpleng slapstick ang humor dito; isa itong matalinong pagtalakay sa panlipunang kabaliwan at sa mga maling paniniwalang inilalako sa masa, na nasa tradisyon ng political at social satire sa bansa.
Ang paggamit ng maliit na istudyo, makeshift walls, at simpleng itim na tela bilang backdrop ay para bang inaanyayahan ang manunuod na punan ang espasyong iyon ng kanilang sariling imahinasyon. Sa halip na isubo sa kanila ang isang kumpletong cinematic world, inilalagay sila ng pelikula sa isang sitwasyon kung saan mas kailangang pagtuunan ng pansin ang pagganap at mensahe kaysa sa production design. Ito mismo ang isa sa mga radikal na pahayag ng pelikula: na hindi dapat maging sukatan ng kalidad ng isang pelikula ang kinang at estetikang inaasahan ng industriya.
Dagdag pa, gumamit rin ang pelikula ng campy execution — eksaheradong pagganap at mapanuyang paggamit ng musika — hindi lamang bilang aspeto ng queer na komedya kundi bilang paraan upang kwestyunin ang konsepto ng kung ano nga ba ang “seryosong sining.” Sa pamamagitan nito, matagumpay na kinwestyon ng pelikula ang pamantayan ng industriya at idiniin ang mas mahahalagang mga usapin tulad ng kolorismo, konsumerismo, at ang kapitalistang imposisyon nito sa masa.
Kung Bakit Mali si Miriam (At Bakit Hindi Tayo Dapat Maging Wayt Elefants)
Matapos ang kritikal na sampalan ni Chabeli (Mel Martinez) at Miriam sa pagtatapos ng ikalawang yugto (climax) — na nagbigay sa atin ng pinaka-swak na sampal na sound design sa kasaysayan ng Pinoy indie cinema! — may itatapon si Miriam kay Chabeli bilang ganti. Makakaiwas ang huli, at sasalpok ang tinapon niya sa pader at gagawa ng isang butas. At sa unang pagkakataon, masisilayan ng tatlo ang liwanag: ang buhay sa labas ng kanilang artipisyal na mundo, ang realidad, ang katotohanan.
Unang sisilip si Amada (Patricia Ismael). Makikita niya ang mundo sa labas na puno ng ligalig, pag-ibig, at laya. Susunod naman si Chabeli. "'Wag ka d'yan, nakakaitim d'yan," banta ni Miriam, pero sisilip pa rin ang nauna. At sa unang pagkakataon, mararamdaman niya ang pagkababae. Makikita niyang nasa labas na rin si Amada, magugulat, magtataka, at maaabala ng tanong ni Miriam na nag-aalala. "Ano bang plano niyo?" sambit nito. “I’m getting iterated!”
Masisilayan ng tatlo ang unang liwanag | Kuha mula sa Wayt Elefants
Tititigan ni Chabeli si Miriam, at iinspeksyunin ang bawat anggulo para makita kung ano na ang kinalagyan nito — at nila — kakakuskos ng pampapaputing ammonia. Kapit ang mukha ni Miriam, padudulasin ni Chabeli ang dalawang hinlalaki sa pisngi nito upang ilabas ang tunay na kulay ni Miriam sa likod ng puting tabing kinahumalingan na niya. At ito ang tutulak sa kanyang lumabas at harapin ang tunay na mundo.
Samantala, pipiliin ni Miriam na takpan ang butas, manatili sa dilim, at magpatuloy sa pagkuskos ng pampaputing ammonia.
“Mas matindi ang memorya ng elepante kaysa tao…" 'yan ang pinupunto ni Diko Rey (Kiko Ortega) sa radyo nang banggitin niya ang ginagawa ng mga elephant trainers sa Thailand. Tuloy niya, "[D]ahil sinanay ang mga batang elepante na laging nakakadena, hindi na sila sumusubok tumakas maski malaki na sila." Sabi niya pa, "Sa madaling sabi, kung ano ‘yong naturo sa mga bata, ‘yon ang dadalhin sa pagtanda."
Tulad ng mga elepanteng tinuruan mula bata na tanggapin ang pagkakadena bilang natural nilang kondisyon, si Miriam ay produkto rin ng isang panlipunang paghubog na nagtatakdang ang kanyang tunay na kulay at identidad ay dapat itago, ikahiya at baguhin. Katulad ng elepanteng hindi na sumusubok kumawala, naniniwala si Miriam na ang kanyang kondisyon ay permanente at natural (“I’m only human nature!”).
Ang unang interaksyon ng mga tauhan sa liwanag | Kuha mula sa Wayt Elefants
Sa parehong paraan, ang kweba sa alegorya ni Plato ay nagpapakita ng mga taong nasanay na tanggapin ang ilusyon bilang katotohanan. Ang mga tanikala na pumipigil sa kanilang makalabas ay hindi pisikal kundi mental — mga paniniwalang ipinataw mula pagkabata. Sa Wayt Elefants, ang ammonia at obsesyon sa pagkakaroon ng maputing balat ang nagsisilbing tanikalang iyon, na kinokondisyon ang mga tauhan upang manatili sa ilusyon at huwag subukang hanapin ang tunay na kalayaan.
Sa madaling sabi, si Miriam ay hindi lamang nakakadena sa isang ilusyon kundi biktima rin ng isang alaalang panlipunan na mas malakas pa kaysa memorya ng elepante; isang kondisyong nilikha ng lipunang Pilipino bunga ng kolonyalismo at patuloy na ipinapalaganap ng sistemang mala-kolonyal. Ngunit gaya ng alegorya ni Plato, ipinapakita ng pelikula na posible ang pag-alpas, basta’t handa ang tao na harapin ang masakit ngunit mapagpalayang katotohanan sa labas ng kweba.
Ang kasaysayan ng Pilipinas ay puno ng pagkagapi. Ngunit hindi ito nangangahulugan na dapat na tayong sumuko. Ang Wayt Elefants ay hindi lang pelikula tungkol sa pagpapaputi, o sa pagtaliwas doon, kundi isang komentaryo sa ating collective psyche. Ipinakita ni Miriam na minsan, sa harap ng patuloy na panunupil, mas pinipili nating sumunod na lang kaysa magtanong, kaysa lumaban.
Kung may mahaba man tayong kasaysayan ng pagkagapi, ito ay bunsod ng ating walang kamatayang paglaban. Ilang panahon tayong nagkamali at patuloy na nagkakamali, pero patuloy rin nating pinapaunlad ang ating mga paraan ng paglaban at pagrerebolusyon na patuloy na nagpapaandar sa pagbabagong panlipunan.
Hindi likas sa tao ang pangangayupapa sa banyaga at kanluraning mga pamantayan; pinatunayan na ito ng kasaysayan. Sa katunayan, mas likas sa atin ang pagtuligsa at paglaban… at pinatunayan na rin ito ng kasaysayan! Sa panahong sistematiko tayong binabansot ng mga ilusyong pamantayan, ang hamon sa atin ay ang pagharap sa tumitinding kontradiksyon na iniaanak ng paglalako sa atin ng mga pamantayang hindi naman naaayon sa ating materyal na realidad at kondisyon — isang halimbawa lang dito ang pagiging kayumanggi.
Ang hamon sa atin ngayon ay umalpas sa mababaw at makadayuhang pamantayan ng kagandahan at gumawa ng sarili nating pamantayan; hindi lang sa ating panlabas na anyo kundi sa kung paano natin binibigyang-halaga ang ating sarili bilang babae, bilang bakla, bilang Pilipino, at bilang tao. Ang tunay na likas sa tao, at sa pagiging Pilipino, ay ang paglaban.
Ang Wayt Elefants ay pinrodyus ng Mowelfund Film Institute noong 2008 at mapapanood ngayon nang libre sa YouTube.